Panukalang bubuo ng RICH sa Central Luzon, aprubado na sa Senado

Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang-batas na bubuo ng isang Regional Investment and Infrastructure Hub (RICH) sa Central Luzon, na layong lumikha ng mga trabaho at magpasok ng kapital sa rehiyon, at tutulong na paluwagin ang Metro Manila.

Si Senator Richard Gordon, chair ng Senate Committee on Government Corporations and Public Enterprises, ang may-akda at nag-sponsor ng Senate Bill No. 1997.

Ang pinaikling pangalan ng panukala na RICH, ayon kay Gordon, ay sumasalamin sa layon na pagyamanin ang mga tao sa pamamagitan ng pagtaguyod ng mga pamumuhunan at imprastraktura sa Central Luzon, na maglalatag ng pundasyon para sa pangmatagalang paglago sa rehiyon, paglikha ng mga trabaho at pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga Pilipino.

Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, ang bagong Regional Investment and Infrastructure Coordinating Hub ay papalit sa umiiral na Subic-Clark Alliance for Development Council na bubuuin ng siyam na miyembro.

Tulad umano ng mga paliparan na La Guardia, JFK at Newark, maging ang mga port authority ng New York at New Jersey sa Amerika, na tumulong sa pagtaguyod ng economic at business opportunities.

Sinabi pa ng Senador, na layon ng RICH bill na tularan ito ng Central Luzon, na malapit sa Maynila at may pinakamagandang imprastraktura mula sa mga daanan hanggang sa mga paliparan at daungan.  | ulat ni Ched Oliva