Panukalang batas vs online sexual abuse at exploitation ng mga kabataan, pasado na sa ikalawang pagbasa ng Senado

Pasado na sa ikalawang pagbasa ng Senado ang panukalang batas na magbibigay ng dagdag na proteksyon kontra sa online sexual abuse at exploitation ng mga kabataan. 

Sa ilalim ng Senate Bill 2209, tutukuyin ang Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) bilang isang hiwalay na krimen at ang pagbibigay ng dagdag na kapangyarihan sa mga law enforcers na habulin ang mga OSAEC suspects, lalo na ang mga nasa iba’t ibang online platform. 

Binibigyan rin nito ng tungkulin ang mga nangangasiwa ng iba’t ibang online platforms, gaya ng social media site na Facebook, na i-block at tanggalin ang mga child sexual abuse at exploitation materials sa loob ng 24-oras mula sa pagkakatanggap ng notice; pagtatago ng mga ebidensyang ito; at ang pagkakaroon at pagpapatupad ng mga sistema sa pagpigil, pag-block, pagtukoy at pag-uulat ng OSAEC cases. 

Pagbabawalan rin ng panukala na makapasok sa Pilipinas ang lahat ng mga nahatulang OSAEC suspect o iba pang katulad na krimen ng ibang mga bansa. 

Una nang sinabi ni Senate Committee on Women Chairperson Senador Risa Hontiveros na base sa datos ng Department of Justice (DOJ), tumaas ng 264.6 percent ang OSAEC cases mula nang ipatupad ang community quarantine protocols noong March 2020 hanggang May 2020.