Panukalang batas na magtatakda ng tax scheme sa POGO industry, pasado na sa Senado

Sa botong 17 (pabor), tatlo ang tutol at walang nag abstain, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng senado ang panukalang batas na magtatakda ng tax scheme para sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Kabilang sa bumotong tutol sa panukala sina Minority Leader Franklin Drilon, Senador Francis Pangilinan at Senadora Risa Hontiveros.

Layon ng Senate bill 2232 na amyendahan ang ilang probisyon ng National Internal Revenue Code (NIRC) upang makakolekta ng tamang buwis mula sa POGO industry.

Sa ilalim ng panukala, itinatakda ang pagbabayad ng 5 percent gaming tax sa gross gaming revenue ng mga Philippine o foreign-based offshore gaming licensees.

Imamandato na rin ang mga dayuhang empleyado ng mga POGO na magbayad ng 25 percent withholding tax.

At tinutugunan rin ng panukala ang posibleng misdeclaration ng aktwal na buwanang sahod ng mga dayuhang nagtatrabaho sa mga POGO sa pamamagitan ng pagtatakda ng P12,500 na minimum final withholding tax due kada taxable month.

Kabilang naman sa mga amyenda sa panukala ang paglalaan sa Universal Healthcare Act ng 60 percent ng kabuuang makokolekta na buwis mula sa mga POGO.

Oras na maisabatas, inaasahang makakakolekta ang gobyerno ng higit 28 billion pesos na buwis mula sa mga POGO ngayong 2021 at 32 billion pesos naman sa susunod na taon.