Panukalang batas na magpapalakas sa local pharmaceutical companies, binabalangkas na sa Kamara

Sinimulan na ng Mababang Kapulungan ang pagbalangkas sa panukalang batas, na magpapalakas sa local pharmaceutical companies.

Ito ang inihayag ni Deputy Speaker Bernadette Herrera, sa mga miyembro ng Philippine Chamber of Pharmaceutical Industry Inc. (PCPI).

Kabilang aniya sa mga isinusulong na suporta at insentibo, ay ang pagbibigay ng pautang sa mga local pharma na ipapaloob sa itinutulak na Bayanihan 3.

Sa pamamagitan nito, ay mas mahihikayat aniya ang local pharma na makagawa ng kinakailangang gamot at bakuna sa bansa.

Kasabay nito, ay hinihimok din ng kongresista ang naturang sektor na tulungan ang mga mambabatas, na makahanap ng paraan para mabawasan ang pagdepende ng bansa sa mga imported na gamot.

Para mas mapaigting ang local pharma industry, ay umapela ito sa Department of Health (DOH) at sa Food and Drug Administration (FDA), na alisin ang red tape sa aplikasyon ng mga Filipino drug manufacturers at sa halip ay gamitin na lang ang national guidelines para sa registration ng mga pharmaceutical products.