Panukalang batas na layong palakasin ang SK, pasado na sa huling pagbasa ng Senado

Sa botong 23 (pabor), 0 (tutol) at 0 (abstention), pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na layong amyendahan ang Republic Act 10742 o ang Sangguniang Kabataan (SK) Reform Act of 2015.

Kabilang sa mga nakapaloob sa Senate Bill 2124, ang pagbibigay ng monthly honoraria ng mga Sangguniang Kabataan (SK) members, secretaries at treasurers upang makahikayat ng mas maraming kabataan na makiisa sa local governance, sa ngayon kasi tanging ang mga SK chairperson lang ang nabibigyan ng honararia bilang mga ex-officio member ng Sangguniang Barangay. 

Una nang sinabi ni Senate Committee on Youth Chairperson Senator Sonny Angara, na ang kawalan ng honoraria para sa iba pang miyembro ng SK ang dahilan kaya kakaunti ang mga kabataang nakikibahagi sa SK.

Nakapaloob rin sa panukalang ito ang dagdag na mga prebilehiyo sa SK officials, gaya ng entitlement sa Civil Service eligibility at exemption sa ano mang National Service Training Program (NSTP).

Dinagdagan rin ang mga kwalipikasyon para sa mga SK treasurer, na ngayon ay dapat mayroon nang educational o career background sa administration, accountancy, finance, economics o bookkeeping, at pinalawak rin ang age range para sa posisyon sa 18 hanggang 30 taong gulang. 

Oras namang maisabatas, magtatalaga ng isang local youth development officer para tiyakin ang pagpapatupad ng batas.