Panukalang batas na layong i-repeal ang GCTA law, inihain nina Sen. Sotto, Gordon at Lacson

Sa gitna ng mga hakbang sa pagreview ng implementasyon ng Republic Act 10592 o ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) law, naghain na ng panukala ang ilang senador para i-repeal ang naturang batas.

Inihain na nina Senate President Vicente Sotto III, Senador Panfilo Lacson at Senador Richard Gordon ang Senate Bill 993 na layong ibasura ang GCTA law, na nagpapaikli ng sentensiya ng mga bilanggo dahil sa magandang asal sa loob ng bilangguan.

Sa ilalim ng naturang panukala, pinapawalang bisa ang ginawang ammendment sa articles 29, 94, 97, 98 at 99 ng revised penal code na nabanggit sa RA 10592.

Giit ng tatlong senador, ang tunay na intensyon ng Senate Bill 3064 noong 15th congress ay ang magbigay ng good conduct allowance sa mga bilanggong nakabinbin pa rin ang mga kaso.

Ginawa aniya ito upang i-decongest ang overpopulated na mga selda.

Gayunpaman, nagkaroon lang aniya ng maling interpretasyon ang batas at nagamit pa ng ilan sa pang aabuso sa kanilang kapangyarihan.

Sinabi nina Sotto, Gordon at Lacson na mayroong lohikal na basehan upang abandonahin ang pagbibigay ng GCTA kung makakasama ito sa mga biktima at sa kanilang mga kaanak na nananawagan ng hustisya.