Panukala sa paglalaan ng cash rewards sa mga Pinoy filmmakers, umusad na sa Kamara

Aprubado na ng House Committee on Appropriations ang funding appropriations, nang panukala na nagtutulak ng pagbibigay ng cash incentives sa mga Pinoy filmmakers.

Para kay Appropriations Committee Chair Karlo Nograles, sa pamamagitan ng suporta ng cash incentives ay lalong uunlad ang industriya ng pelikula sa bansa.

Sa ilalim ng substitute bill na may titulong “An act granting of incentives to Filipino filmmakers who are given honors in notable international film festivals and appropriating funds thereof,” pagkakalooban ng tinatayang P5-million reward ang mga eligible local filmmakers o production entities na makakalikha ng isang international award winning full length feature o documentary film.

P3-million naman para sa filmmaker ng international award winning short feature o documentary film, habang P2-million ang incentive na ilalaan para sa film directors, main artists, screenplay, cinematographer, editor, production designer at iba na makatatanggap ng pinakamataas na pagkilala o international award sa kanilang larangan.

Isa rin sa mga pakay ng panukala ang mas hikayatin ang mga Filipino filmmakers na lumikha pa ng mas magagandang pelikula na magbibigay karangalan sa bansa.

Kabilang sa mga may-akda ng panukala ay sina Quezon City Rep. Alfred Vargas, Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte at Cavite Rep. Strike Revilla. | via Merry Ann Bastasa