Panukala para sa proteksyon ng intellectual rights ng mga indigenous cultural communities (ICCs) at indigenous people (IPs), dapat nang maisabatas

Hinimok ni Anak Mindanao Partylist Rep. Amihilda Sangcopan ang Kamara na madaliin ang pagpapatibay sa panukala na poprotekta at magsusulong ng intellectual rights ng mga indigenous cultural communities (ICCs) at indigenous people (IPs).

Sa gitna na rin ito ng kontrobersyal at umano’y kawalang respeto ng vlogger na si Nas Daily sa kultura ni Apo Whang Od at sa Butbot tribe.

Ani Sangcopan walang probisyon ang Republic act 9371 o Indigenous Peoples’ Right Act (IPRA) of 2007, para bigyang proteksyon ang intellectual rights ng mga ICCs at IPs.

Kung maisasabatas aniya ang House Bill 7811 ay magagawang mapanatili, maprotektahan at mapaunlad ang nakalipas, kasalukuyan at hinaharap na kultura ng mga ICCs at IPs gayundin ang pagpapanumbalik sa kanilang cultural, intellectual, religious, at spiritual property na kinuha sa kanila ng walang pahintulot na malinaw na isang paglabag sa kanilang batas, tradisyon at kaugalian.

Bubuo rin ng isang registry sa ilalim ng National Commission on Indigenous People’s kung saan ang mga katutubong kaalaman, sistema at kasanayan ay kinakailangang mai-rehistro at maitala.

Nakasaad din dito na “entitled” ang mga indigenous communities at IPs sa pagtanggap ng royalties o kabayaran para sa paggamit ng iba sa kanilang community intellectual rights upang maiwasan ang anumang pangaabuso at exploitation sa mga tribo tulad na lamang ng dinanas kamakailan ng Butbot tribe.

Photo by Amihilda Sangcopan FB