Panukala para sa pagbabalik ng mandatory ROTC sa senior high school, muling inihain sa Kamara 

Inihain ni Puwersa ng Bayaning Atleta Party-list Representative Jericho Nograles ang House Bill 2613 o Reserve Officers Training Corps (ROTC) Act na layong buhayin muli ang mandatory, military at leadership training para sa mga Grades 11 at 12 students sa lahat ng public at private schools sa bansa.

Ito ay bilang pagtugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang basic reserve officers  training.

Ayon kay Nograles, naipasa na nila sa Kamara ang kahalintulad na panukala noong 17th Congress subalit hindi naman napagtuunan ng pansin sa Mataas na Kapulungan.

Kaya’t umaasa ang kongresista na sa deklarasyon mismo ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ay mapapadali ang pagsasabaatas ng panukala.

Nakapaloob sa panukala ni Nograles na ang ROTC ay magiging bahagi ng basic curriculum ng Senior High School Education sa lahat ng paaralan.

Maaari namang ma-exempt dito ang mga estudyante na physically o psychologically unfit basta’t mabibigyan ng sertipikasyon ng AFP Surgeon General o isang authorized medical officer.

Gayundin ang mga sumailalim sa katulad na military training at napili ng eskwelahan na maging varsity players sa kanilang sports competitions.

Una nang naghain ng kahaintulad na panukala si Deputy Speaker Raneo Abu na layong amiyendahan ang Citizen Armed Forces of the Philippines Reservist Act.