Panukala para sa libreng gamot sa mga pampublikong ospital, itinutulak sa Kamara

Isinusulong ngayon sa Kamara ni Quezon City Representative Alfred Vargas ang panukala na layong bigyan ng libreng gamot ang mga mahihirap sa lahat ng pampublikong ospital sa bansa.

Ito ay sa pamamagitan ng inihain nitong House Bill 3753 na nakaangkla sa programang Libreng Gamot Para sa Masa o LINGAP na inisyatibo ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinunto ni Vargas ang kahalagahan ng pagbibigay access sa mga mahihirap nating kababayan pagdating sa libreng gamot.

Tinukoy din ng mambabatas ang pag-aaral ng World Health Organization (WHO) kung saan lumalabas na sa low income countries na gaya ng Pilipinas, tatlumpu’t tatlong porsiyento (33%) lang ng mura, ligtas at de kalidad na mga gamot ang makikita sa mga ospital ng gobyerno.

Aniya, kung hindi mahal ay madalas na hindi available sa mga mahihirap na pasyente lalo na sa mga probinsya ang ilang gamot na kanilang kinakailangan pati mga gamot na sakop ng Philhealth ay kadalasang hindi rin umano available sa mga authorized outlets kaya’t lalong nabubutas ang bulsa ng mga mahihirap.

Sa ilalim ng naturang panukala, ang libreng gamot na programa ay ipatutupad sa lahat ng government district hospitals, maging sa local health units at barangay health centers sa lahat ng siyudad at munisipalidad sa bansa. | via Merry Ann Bastasa