Panukala para mapalakas ang industriya ng kape sa bansa, pinaaaprubahan ng isang mambabatas

Pinamamadali ni AAMBIS-OWA Partylist Representative at House Committee on Economic Affairs Chairperson Sharon Garin, ang pagpasa sa panukala na tutulong sa industriya ng kape sa bansa.

Layunin ng House Bill 3598 na inihain ng kongresista, na magbigay ng suporta sa coffee sector ng bansa na apektado rin ng pagbagsak ng ekonomiya dahil sa COVID-19.

Sa ilalim nito, bibigyan ng technical assistance para mapalago at mapaganda ang planting system at rehabilitation ng mga pananim ng kape sa bansa para sa epektibong produksyon.

Magtatatag din ng isang national program na magpapalakas sa industriya ng kape, at maglalatag din ng mga pamamaraan upang maprotektahan ang kapakanan ng mga coffee farmer.

Kasabay nito, ay hinihimok din ni Garin na taasan ang demand ng consumption ng kape sa bansa sa pamamagitan ng pagkontrol sa domestic market, sa halip na dumepende lamang sa mga inaangkat na kape.

Nakabinbin pa rin ang naturang panukala sa House Committee on Agriculture and Food.