Panukalang alisin ang pagpataw ng mas mataas na buwis sa private schools, kinatigan ng komite sa Kamara

Pinag-isa na ng House Ways and Means Committee ang mga panukala at resolusyon, kaugnay sa pagbibigay linaw sa mataas na pagbubuwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga private school.

Magiging basehan ng bubuuing panukala ang House Bill 9596, na inihain ni Albay Representative Joey Salceda, na siyang chair ng komite.

Layon ng panukala, na ibasura ang BIR Revenue Regulation 5-2021, na magpapataw ng 25 percent income tax rate sa mga proprietary educational institutions, at bigyang linaw ang nakasaad sa Section 27 (B) ng National Internal Revenue Code (NIRC).

Suportado naman ng BIR, na hindi na patawan ng 25 percent income tax rate ang mga proprietary educational institutions, bastat wala nang refund sa mga naunang 10 percent na ibinayad na buwis mula noong 2016.

Habang naka break ang sesyon ay itutuloy ng komite ang pag-draft sa panukala, upang sa pagbubukas ng third regular session ng 18th Congress, ay mabilis na lang itong maaprubahan at maihabol bago ang pagbubukas ng school year 2021-2022.