Panukala para alisin ang pagpapataw ng mas mataas na buwis sa mga private schools, kinatigan ng Ways and Means Committee

Pinag-isa na ng House Ways and Means Committee ang mga panukala at resolusyon kaugnay sa pagbibigay linaw sa mataas na pagbubuwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga private schools.

Magiging basehan ng bubuoing panukala ang House Bill 9596 na inihain ni Albay Rep. Joey Salceda, na siyang chair ng komite.

Layon ng panukala na ibasura ang BIR Revenue Regulation 5-2021 magpapataw ng 25% income tax rate sa mga proprietary educational institutions at bigyang linaw ang nakasaad sa Section 27 (B) ng National Internal Revenue Code (NIRC).

Suportado naman ng BIR na hindi na patawan ng 25% income tax rate ang mga proprietary educational institutions basta’t wala nang refund sa mga naunang 10% na ibinayad na buwis mula noong 2016.

Habang naka-break ang sesyon ay itutuloy ng komite ang pag-draft sa panukala upang sa pagbubukas ng 3rd regular session ng 18th Congress ay mabilis na lamang itong maaprubahan at maihabol bago ang pagbubukas ng school year 2021-2022.