Walang nakikitang problema si PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar sa panukala ng Pangulong Duterte na armahan ang mga sibilyang anti-crime volunteers.
Ang pahayag ay ginawa ni Eleazar matapos na sabihin ng Commission on Human Rights na hindi na kailangan bigyan ng armas ang mga civilian anti-crime groups dahil sapat na ang PNP bilang tanging armadong tagapagpatupad ng batas.
Ayon kay Eleazar, sang-ayon siya sa pananaw ng CHR, pero kung pinapahintulutan naman ng batas ang mga sibilyan na magkaroon ng armas, walang dahilan para ipagkait ang pribilehiyong ito sa mga civilian anti-crime volunteers.
Kailangan lang aniya nilang sumunod sa proseso ng pag-secure ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) katulad ng sinumang sibilyan.
Paliwanag ng PNP Chief, kailangan din ng mga anti-crime volunteers na protektahan ang kanilang sarili lalu na kung tumutulong sila PNP.