Panukala na bubuo sa isang Department of Disaster Resilience o DDR, lusot na sa Kamara

Sa botong 241 affirmative ay lusot na sa Kamara ang House Bill 5989 o ang Disaster Resilience Act na isa sa priority measures ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Layon nito na italaga ang DDR bilang national agency na siyang mangunguna sa disaster preparedness, rehabilitation, rescue, response, recovery at reconstruction tuwing may kalamidad.

Mapapasailalim ng bubuoing ahensya ang Office of Civil Defense (OCD) bilang pangunahing organisasyon gayundin ang Climate Change Commission Office, Health Emergency Management Bureau ng Department of Health (DOH), at Disaster Response Assistance and the Disaster Response Management Bureau ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Itatatag naman sa ilalim ng panukala ang iba pang sangay ng tulad ng National Disaster Operations Center (NDOC), Alternative Command Center (ACC) at Disaster Resilience Research and Training Institute (DRRTI).

Kabilang din sa probisyon ng panukala na mabigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na magpataw ng administrative sanctions laban sa mga local chief executives at mga barangay officials na hindi magpapatupad ng tama sa batas.

Maaari rin magpatupad ng emergency measures ang DDR bilang paghahanda bago, habang at pagkatapos ng pagtama ng sakuna tulad na lamang ng preemptive at force evacuation, pagpapatupad ng curfew pati na ang pagnsamantalang pag-take over ng private utility o business nang may karampatang kabayaran.

Noong 17th congress ay nakapagpasa na rin ang Mababang Kapulungan ng kaparehong panukala.