Pantawid Pasada Program ng pamahalaan, nais palawigin ng isang mambabatas

Inihain ni Deputy Speaker Mikee Romeo ang isang resolusyon na layong palawigin ang coverage ng Pantawid Pasada Program ng pamahalaan.

Sa ilalim ng House Resolution 349, kasama sa mga dapat mabigyan ng benepisyo ng cash grants ng Expanded Pantawid Pasada program ang mga operators ng transport network vehicle service o TNVS tulad ng Grab, taxi drivers, cargo truck drivers at maging motorcycle riders.

Iminungkahi naman na kunin ang pondo para sa pagpapalawig ng Pantawid Pasada sa kita ng pamahalaan sa Malampaya.

Kasama sa gugugulan ng Malampaya funds ang Philippine Strategic Fuel Reserves (PSFR) program na nilalaman din ng resolusyon.

Nakapaloob din dito na bigyan ng awtoridad si Pangulong Duterte na magtatag ng PSFR na maaaring mapagkunan ng reserba ng langis sakaling magkaroon ng fuel shortage crisis.

Ito an nakikitang tugon ng kongresista sa epekto ng price increase sa produktong petrolyo kasunod na rin ng drone attack sa Saudi Aramco na isa pinakamalaking oil facility sa Middle East.