“Pantawid Family Quarantine” program, iminungkahi

Inirerekomenda ni House Committee on Ways and Means Chair Joey Salceda ang isang cash transfer program para sa mga residente ng Luzon na apektado ng Enhanced Community Quarantine.

Ayon kay Salceda kailangan matiyak na habang naka-quarantine ang mga kababayan nating mahihirap ay mapanatili ang disenteng antas ng kanilang pamumuhay.

Hindi kasi aniya makaka-survive ang 20% ng pinakamahihirap na populasyon kung walang tulong mula sa national government.

Mungkahi ni Salceda i-advance ang pamamahagi ng 13th-month grant ng nasa 2.5 milyong pamilyang benipisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps sa Luzon na nagkakahalaga ng P6-billion.

Maaari na ring i-advance ang isang buong taong subsidiya para sa 6.2 na pamilyang benepisyaryo ng Unconditional Cash Transfer kung saan makakatanggap ang bawat pamilya ng P3,600.

Muli namang ipinanawagan ni Salceda ang pagsasagawa ng isang “virtual” special session upang agad maaksyunan ang mga panukala na may kinalaman sa budgetary needs.