Pansamantalang travel restriction sa mga pasahero mula sa Pakistan, Nepal, Sri Lanka at Bangladesh, ipatutupad ng Pilipinas

Hindi na muna patutuluyin sa Pilipinas ang mga biyahero na mula sa Pakistan, Nepal, Sri Lanka at Bangladesh, maging iyong mga mayroong travel history sa mga nabanggit na bansa sa nakalipas na 14 na araw. 

Ito ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque ay epektibo simula ala una ng madaling araw ng May 7 hanggang May 14, 2021.

Ito ay mayroon pa ring kinalaman sa double mutant variant ng COVID-19 na unang naitatala sa India.

Para sa mga pasaherong in transit na mula sa bansang ito, o iyong mga makakarating sa Pilipinas bago ang May 7 ay makakapasok pa rin sa bansa. Gayunpaman, sasailalim ang mga ito sa mas mahigpit na quarantine at testing protocols.

Kabilang na ang absolute facility based 14-day quarantine period, kahit pa mayroong negative PCR test result ang mga ito.