Pansamantalang pagpapatigil sa pag-angkat ng imported rice, ipinanawagan

Hiniling ni Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas sa pamahalaan na ikonsidera ang pansamantalang pag-suspinde sa pag-aangkat ng imported na bigas.

Ayon kay Brosas, ngayong buwan hanggang Nobyembre ang panahon ng anihan kaya’t kung patuloy na mag-aangkat ng bigas ay baka mas lalong bumaba ang farm gate price ng lokal na palay na ikalulugi ng ating mga magsasaka.

Bukod dito, nanawagan din si Brosas sa National Food Authority (NFA) na luwagan ang rekisitos na kanilang ibinigay sa mga magsasaka para bilhin ng NFA ang kanilang mga palay.

Samantala, ikinatuwa naman ng Makabayan bloc ang ginawang realignment ng budget sa 2020 General Appropriations Bill (GAB) para sa NFA.

Mula kasi sa ₱7 billion na pondo na pambili ng palay ng mga magsasaka ay dinagdagan ito ng ₱3 billion.

Patuloy naman ang kanilang panawagan sa pamahalaan at kasamahan sa kamara na gumawa ng hakbang para magkaroon ng supplemental budget ang NFA ngayong taon.

Ang naturang ₱10 billion allocation kasi para sa NFA ay sa 2020 pa mararamdaman, at kinakailangan ng mas agarang tulong ngayon ng mga magsasaka dahil panahon na ngayon ng anihan.