Paniningil ng excise tax, ititigil ng pamahalaan kung magpapatuloy pa rin ang oil price hike

Ititigil ng pamahalaan ang pangongolekta ng excise tax sa sandaling magpatuloy pa rin ang oil price hike.

Ito ang inihayag ng Palasyo ng MalacaƱang sa gitna ng muli na namang pagtaas sa presyo ng gasolina kaninang alas-sais ng umaga na ngayon ay nasa P60 na kada litro.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakapaloob naman sa batas na sa sandaling umabot na sa isang partikukar na halaga ang presyo ng langis, otomatikong isususpinde ang paniningil ng excise tax sa mamamayan.

Sinabi ni Roque, na isa ito sa naging foresight ng mga bumalangkas ng TRAIN law bunsod ng inaasahan na ring tuloy-tuloy na pagtaas sa halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Una nang inanunsiyo ng oil firms ang P1 dagdag sa presyo ng gasolina kada litro ngayong Martes, P1.35 kada litrong pagtaas sa diesel at P1.10 naman sa presyo ng kerosene. | ulat ni Alvin Baltazar