Panibagong wall na itinayo ng BuCor, pinalagan ni Muntinlupa Rep. Biazon

Pumalag si Muntinlupa Representative Ruffy Biazon sa panibagong pader na itinayo ng Bureau of Corrections (BuCor).

Ayon sa mambabatas, nakakadismaya ang aniyang haphazard na polisiya ni BuCor Director General Gerlad Bantag.

Ikinagulat na lamang aniya nila noong Linggo na panibagong pader ang itinayo ng BuCor sa Type-B sa New Bilibid Prison (NBP) Reservation lalo at hindi pa aniya nila nareresolba ang isyu sa pader na itinayo sa Insular Prison Road noong Marso.

Tulad noon, walang naging abiso at koordinasyon ang BuCor sa mga residente at lalo na sa mga local government officials bago itinayo ang pader.

Kasabay nito ay sumulat si Biazon kay House Committee on Justice Chair Vicente Veloso na magsagawa ng public hearing salig sa House Resolution 1666 na nananawagan ng “investigation in aid of legislation” kaugnay sa insidente.

Inilapit na rin mismo ng kinatawan kay Justice Secretary Menardo Guevarra ang insidente at tiniyak ng kalihim na agad itong tutugunan.