Panibagong terrorist attack sa Sulu, posible matapos ang sunod-sunod na pagsuko ng Abu Sayyaf

Posibleng maglunsad ng panibagong terrorist attack ang Abu Sayyaf Group (ASG) para maipakitang malakas pa rin ang kanilang pwersa.

Ito ang babala ni Joint Task Force Sulu Commander Brigadier General William N. Gonzales, matapos sunod-sunod na sumuko ang mga miyembro ng ASG sa militar sa Sulu, sa loob ng isang buwan.

Pinakahuli sa mga sumuko ay sina: Mahmor Badderi, 27 mula sa Patikul, na sumuko kay Ltc Wilfredo Borgonia ang Commanding Officer ng 35IB nitong linggo; at si Ali Jumsah, 41 taong gulang, mula sa Maimbung, Sulu na sumuko kay Ltc Alex Gagula, ang commanding officer ng 100IB, noong Biyernes.

Nauna rito, siyam na ASG members ang sumuko sa unang bahagi ng buwang kasalukuyan, kung saan pito sa mga ito ang sumuko sa 1101st at 1102nd brigade noong September 7, at dalawa pa ang sumuko sa 15th CMO Battalion at 1101st Brigade noong September 11.

Nanawagan si Bgen. Gonzales sa mga taga Sulu partikular sa Jolo, na maging “vigilant” at patuloy na makipagtulungan sa pamahalaan, upang pag-ingatan ang posibleng paghahasik ng karahasan ng Abu Sayyaf dala ng kanilang desperasyon.

Ang ASG ang itinuturong nasa likod ng huling pagpapasabog sa Jolo, Sulu noong nakaraang buwan, na ikinasawi ng hindi bababa sa 15 indibidwal, kabilang ang mga sundalo at pulis.