Panibagong supply ng murang commercial rice, inaasahang darating na bukas sa iba’t ibang pamilihan sa Metro Manila

Inaasahang parating na bukas, araw ng Martes (April 24) ang dalawampung trailer trucks mula sa Region 2  dala ang labing apat na libong (14,000) bag ng bigas para sa Metro Manila.

Tinagurian itong ‘Tulong sa Bayan’ caravan ng Isabela Rice Millers na bahagi ng pangako nila kay Pangulong Rodrigo Duterte na  suplayan ang mga pamilihan ng murang  commercial rice.

Ito ay habang hinihintay pa ang pagdating ng inangkat na bigas ng National Food Authority (NFA).

Katulad ng mga  naunang delivery mula sa  panig ng Nueva Ecija traders, ang bigas mula sa Isabela ay ibebenta sa halagang P39.00 kada  kilo.

Pero sa halip na ibagsak sa NFA warehouse, ang mga bigas ay diretso nang ihahatid sa mga assigned wholesaler at retailer sa Tondo, Malabon, Caloocan, Marikina, Batasan Hills at Parkway Village sa Quezon City, Parañaque at sa Tanza, Cavite. | via Shane Juan