Panibagong pambobomba sa Jolo, Sulu, hindi isinasantabi ng PNP – Albayalde

Hindi isinasantabi ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na magkaroon ng panibagong pagpapasabog sa Jolo, Sulu.

Ito ang inihayag ni PNP Chief Oscar Albayalde matapos na bumisita sa Mt. Carmel Cathedral sa Jolo Sulu, na pinasabugan ng dalawang bomba kahapon ng umaga.

Ayon kay Albayalde, inilagay na ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa lockdown ang buong Jolo, Sulu bilang pag-iingat, at ibaba lang ang kanilang alerto kapag bumalik na sa normal ang sitwasyon.

Sinabi pa ng PNP Chief, na mataas talaga ang banta sa mga Katolikong pari sa Jolo, partikular sa Mt. Carmel Cathedral na walong beses nang pinasabugan mula 2011.

Mayroon pa aniyang pagkakataon noong 2011 na sa altar inilagay ang bomba.

Tiniyak naman ng PNP Chief, na sapat ang bilang ng security troops na nagbabantay sa lugar.

Maliban kasi sa mga sundalo at mga pulis ay mayroon pang dalawang batalyon ng Special Action Force (SAF) na tumutulong sa pagbabantay sa lugar. | ulat ni Leo Sarne