Panibagong kaso ng hazing sa isang fraternity, dapat maimbestigahan — isang mambabatas

Naniniwala si AKO Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin na dapat maging transparent ang pamunuan ng University of the Philippines (UP) Diliman hinggil sa nabunyag na kaso ng umano’y hazing sa initiation rites ng isang fraternity.

Kung matatandaan ilang litrato ng umano’y hazing sa Sigma Rho Fraternity ang lumabas sa social media.

Ayon kay Garbin na isa sa mga may akda ng Anti-Hazing Law, may mga probisyon at rekisitos na nakasaad sa batas hinggil sa pagsasagawa ng initiation rites sa mga fraternity.

Hinimok din ng kinatawan ang Commission on Higher Education (CHED) na asistehan ang UP sa imbestigasyon at tiyakin na nasusunod ang Anti-Hazing Law sa mga unibersidad at kolehiyo na may mga organisasyon.

Muli ring binigyang-diin ni Garbin na mahalagang makasuhan at mapanagot sa ilalim ng batas ang mga sangkot sa hazing.

Iginiit niya na walang epekto ang batas kapag walang nakikita ang publiko na kinakasuhan, naaresto at kinukulong dahil dito.