Panibagong batch ng COVID vaccine na binili ng private sector at LGUs, made-deliver sa susunod na buwan

Inaasahang sa first quarter ng susunod na taon (2022) ay makukumpleto na ang pagdating sa Pilipinas ng 17 million doses ng COVID-19 vaccine, na binili ng pribadong sektor at local government units (LGUs). 

Ayon kay Presidential Adviser on Entrepreneurship at Go Negosyo Founder Joey Concepcion, sa susunod na buwan ay inaasahan nilang made-deliver na sa bansa ang panibagong batch ng AstraZeneca COVID-19 vaccine na aabot sa 1.17 million doses. 

Aniya, buwan-buwan na ang magiging delivery ng nabili nilang mga bakuna.

Matatandaang ngayong araw, ay dumating ang unang batch na 1.15 million doses ng AstraZeneca vaccine para sa mga LGU at private sector. 

Samantala, tiniyak naman ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., na libre ang pagtuturok ng COVID-19 vaccine sa mga empleyado ng mga pribadong kumpanyang bumili ng mga bakunang ito. 

Pinunto ni Galvez, na nakasaad sa batas na walang bayad o paniningil na dapat gawin sa pagbabakuna ng pribadong sektor, at wala rin dapat na reselling na mangyari.