Bagong bagyo, binabantayan ng PAGASA

Inaasahan na sa Linggo, July 8, o sa Lunes, July 9, posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility o PAR ang isang binabantayang panibagong bagyo.

Sa inilabas na weather bulletin ng PAGASA Weather Bureau ngayong hapon, huling namataan ang naturang ‘tropical depression’ sa layong 2,235 kilometers sa silangan ng Visayas Region.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 60 kilometers per hour (kph) at pagbugsong 75 kph malapit sa gitna habang mabagal na kumikilos sa direksyong West Northwest.

Ayon kay Weather Specialist Aldczar D. Aurelio sa panayam ng Radyo Pilipinas, hindi na inaasahang tatama sa kalupaan ang bagyong papangalanang ‘Gardo’ subalit palalakasin naman nito ang Hanging Habagat na inaasahang magdadala ng mga matitinding pag-ulan sa western section ng Luzon at Visayas.

Kaugnay nito, dapat aniyang maging alerto ang mga residente sa mga nabanggit na rehiyon sa epekto ng Habagat na posibleng magdulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.

Ipinagpapalagay naman na magtatagal ng dalawang araw ang sama ng panahon sa loob ng PAR bago ito lumabas patungo sa direksyon ng Japan. | Ulat ni Shane Juan