Pangulong Duterte, umapela sa mga Pinoy healthworkers na manatili muna sa bansa

Umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga health professionals na nais nang makaalis ng bansa para magtrabaho abroad na maghintay- hintay lang muna.

Paliwanag ng Pangulo, nagkakaruon lang ng calibration sa paglabas ng mga Overseas Filipino Workers na nasa linya ng medical field lalo’t kailangan din namang may tumao dito sa bansa habang nananatili pa din ang pandemya.

Binigyang diin ng Presidente na walang intensiyon ang pamahalaan na pigilan ang mga duktor at nurses para makapagtrabaho sa ibang bansa.

Ang pakiusap lang aniya niya, hindi sana mawala ang alab na makapagsilbi sa mga Pilipino na nangangailangan din ng tulong sa gitna pa rin ng nararanasang health crisis.

Kung maaari sana apela ng Chief Executive sa mga medical workers, tagal tagalan na muna ang pananatili sa bansa sa gitna ng pag- asang lilipas din ang salot na COVID-19.