Pangulong Duterte, tiyak na haharap sa grupo ng League of Municipalities ayon sa Malacañang

Nagbigay ng garantiya ang Palasyo na haharapin at pauunlakan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hiling ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) na sila’y makakakuha ng audience sa Chief Executive.

Ang hiling ng LMP ay ginawa sa harap ng dalawang magkasunod na araw na pagpaslang sa dalawang alkalde na sina Tanauan City Batangas Mayor Antonio Halili at General Tinio Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.

Ayon kay Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, sigurado siyang haharapin ng Pangulo ang mga miyembro ng LMP at pakikinggan ang ihahayag nilang mga concern na posibleng may kinalaman sa kanilang seguridad.

Pero sa ngayon ani Roque ay subject for availability ang estado ng request ng LMP na may halos 1,500 miyembrong alkalde sa buong bansa.

Naipadala na ni LMP President Mayor Ma. Fe Brondial ng Socorro, Oriental Mindoro sa Palasyo ang kanilang request na makaharap ang Pangulo. | ulat ni Alvin Baltazar