Pangulong Duterte, sinertipikahan na bilang urgent bill ang BBL — House Majority Leader Rudy Fariñas

Kinumpirma ngayon ni House Majority Leader Rudy Fariñas na sinertipikahan na bilang ‘urgent’ ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Bangsamoro Basic Law matapos ang naging pagpupulong nito kagabi sa mga mambabatas at miyembro ng Bangsamoro Transition Commission (BTC).

Ayon kay Fariñas, walang anumang naging direktiba pa ang Pangulo sa Kongreso hinggil sa naturang panukala.

Magbibigay daan ang pagsisertipika bilang urgent bill sa BBL upang mabilis na maipasa sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang kanya-kanya nitong bersyon ng BBL bago ang adjournment nito sa Miyerkules.

Kasunod nito, agad ding magpupulong umano ang bicameral conference committee sa session break upang resolbahin ang conflicting provisions katuwang ang Executive Department at ang BTC na siyang bumalangkas ng draft ng panukala. Saka isusumite sa bicam conference committee ang report para sa ratipikasyon ng Kongreso sa pagbabalik-sesyon nito sa July 23.

Dagdag pa ni Fariñas, pipirmahan ni Pangulong Duterte bilang batas ang BBL sa mismong araw din ng kanyang State of the Nation Address o SONA. | via Merry Ann Bastasa