Pangulo, pinatitiyak sa concerned government agencies na maipagkakaloob ang kailangang serbisyo sa mga naapektuhan ng habagat

Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na paigtingin pa ang serbisyo sa mga naapektuhan ng habagat na labis nanalasa nitong nagdaang weekend.

Inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nais ng Pangulo na matiyak ang kaligtasan ng lahat kasunod ng paghagupit ng kalamidad.

Sa ngayon ayon kay Roque ay nasa higit isang daan at tatlumpung tatlong milyong piso ang asiste sa mga naapektuhan ng malawakang pagbaha ang naipagkaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), at Office of the Civil Defense (OCD).

At batay sa datos na hawak ng Palasyo kaninag alas-sais ng umaga, nasa 978 mga lugar ang nilubog ng tubig na pawang matatagpuan sa Rehiyon 1, CALABARZON, Rehiyon 6, 10, MIMAROPA at National Capital Region o Metro Manila.

Patuloy na paalala ani Roque ng pamahalaan sa lahat, na manatiling alerto at ligtas ngayong panahon ng kalamidad.  | ulat ni Alvin Baltazar