Pangulong Duterte, pinatitiyak sa Coast guard na walang mangyayaring overcrowding sa mga barkong bibiyahe ngayong Semana Santa

Pinatitiyak ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Philippine Coast Guard (PCG) na walang overcrowding na mangyayari sa mga sasakyang pandagat na bibiyahe ngayong panahon ng kuwaresma.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, mahigpit ang bilin mismo ng Presidente na matiyak ng Coast Guard na masusunod ang itinatakdang bilang ng mga pasaherong kailangang sakay ng barkong papalaot sa biyahe ngayong Mahal na Araw at walang overloading na magaganap.

Dagdag ni Roque na pati ang sea worthiness ay pinasisiguro ng Chief Executive bilang bahagi ng paninigurong walang sakunang mangyayari.

Ang direktiba ay ginawa ng Presidente sa harap ng inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong magbabarko ngayong panahon ng bakasyon.

Una dito’y nagbigay na rin ng kautusan ang Pangulo kapwa sa PNP Highway Patrol Group at Philippine Army na maghigpit sa mga bumibyaheng kolorum sa mga lansangan kasunod ng Dimple Bus Transit tragedy na kumitil ng 19 na buhay. | via Alvin Baltazar