Pangulong Duterte, pinasisigurong kasama ang pamilya ng mga pulis at sundalo na nakatakdang tumanggap ng bakuna sa ilalim ng A4 group

Pinatitiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte kay vaccine czar Carlito Galvez Jr. na pati pamilya ng mga pulis at militar ay makakabenepisyo sa nakatakdang pagbabakuna para sa inoculation ng mga nasa A4 category.

Ayon sa Pangulo, marapat lang na mabigyan din ng kaparehong prayoridad ang pamilya ng mga kawal at miyembro ng PNP na nuon pa man ay kanya ng inaasahan at may mahalaga naman talagang papel lalo na sa panahon ng kaguluhan.

Mahirap naman sabi ng Chief Executive na sasabak sa aksiyon ang militar at pulis ng walang proteskiyon o bakuna.

Kaugnay nito’y inihayag naman ni Galvez na sinisimulan ng ayusin ang military at police camps upang magsilbi na ding vaccination sites sa oras na magsimula ng magturok ng bakuna sa mga hanay ng nasa A4 category.

Sinabi ni Galvez na nasa 12 milyon din ang makakabilang sa naturang category na dito ay kasama nga ang mga sundalo at pulis gayundin ang mga nagtatrabaho sa gobyerno at kagawad ng media.

Malalaki aniya ang lugar ng mga kampo maging dito sa Metro Manila gaya ng Army base, Navy base maging ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na aniya’y malawak ang Grandstand.