Pangulong Duterte, pinagbibitiw ang board members ng PCA

Pinaghahain ng Pangulong Rodrigo Duterte ng courtesy resignation ang board members ng Philippine Coconut Authority (PCA).

Ang kumpirmasyon ay mula kay Department of Agriculture (DA) Secretary Manny Piñol.

Sinabi ni Piñol na siya ang nagbigay ng ideya sa Presidente na gawin ang naturang hakbang.

Ang dahilan, upang magkaroon ng pagkakataong makapili ang Pangulo ng mga bagong opisyal sa PCA.

Kaugnay nito’y wala namang nabanggit na iba pang dahilan si Piñol para imungkahi sa Pangulo ang hakbanging pagbitiwin ang board members ng ahensiya maliban na lamang sa ito’y alinsunod naman sa itinatakda ng Coco Levy Act.

Ibig sabihin, magtatrabaho pa rin ang board members hanggang sa panahon na makapagtalaga ang Pangulo ng kapalit nila, o posibleng i-reappoint din sila sa kaparehong posisyon.  | ulat ni Alvin Baltazar