Pangulong Duterte, personal na nakiramay sa mga kaanak ni Henry Sy

Personal na ipinaabot ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pakikiramay sa mga naiwan ni business tycoon at SM Group Founder Henry Sy, na pumanaw nitong nakarang Sabado ng umaga.

Alas-10:50 kagabi dumating ang Presidente sa burol ni Sy sa Heritage Park sa lungsod ng Taguig, kung saan nakalagak ang mga labi nito.

Tumagal ng isang oras ang pananatili ng Pangulong Duterte sa burol, kung saan ay nakausap nito ang mga kamag-anak ni Sy.

Si Sy ang itinuturing na pinakamayaman sa Pilipinas mula noong taong 2005 hanggang 2018, habang ika -52 namang pinakamayaman sa buong mundo ayon na rin sa Forbes.

Taong 1958, nang simulan ni Sy ang isang maliit na shoe business sa Maynila na tinawag niyang Shoe Mart.

Lumaki at dumami ito na tinatawag na SM malls, na ngayon ay nasa 70 na ang branches sa Pilipinas at pito sa China. | ulat ni Alvin Baltazar