Pangulong Duterte, nangakong makikipagtulungan sa Kongreso para maipasa ang SOGIE Bill – Sen. Bong Go

Nagpahayag ng suporta si Pangulong Rodrigo Duterte sa LGBTQ o Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender and Queer community, ayon kay Senador Christopher ‘Bong’ Go.

Ito ay matapos ang naging pagpupulong ng Pangulo kasama ang transgender woman na si Gretchen Diez, LGBTQ advocates at ilang mambabatas kahapon sa Malacañang.

Ayon kay Go, sa naturang pagpupulong ay nangako si Pangulong Duterte na makikipagtulungan ito sa Senado at Kamara para maipasa na ang Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGIE) Equality bill na magpoprotekta sa karapatan ng bawat indibidwal kontra sa diskriminasyon.

Kasama rin kasi sa naturang pagpupulong ang nagsusulong ng panukalang ito sa Kamara na si Bataan Representative Geraldine Roman.

Sinabi ni Go, kabilang sa mga nabanggit sa pagpupulong ang mungkahing magkaroon ng isang komisyon para sa LGBTQ habang hinihintay ang pagsasabatas ng SOGIE Bill.

Dagdag pa aniya ang posibilidad na magkaroon ng isang national LGBTQ Convention, kung saan maaaring ipahatid  ng LGBTQ community sa gobyerno ang kanilang pangangailangan upang makabuo ng polisiyang magpoprotekta sa kanilang karapatan.

Nagpasalamat naman ang LGBTQ community at rights advocate sa suportang ito mula sa Pangulo at sa mga mambabatas.