Pangulong Duterte, nanawagan na suportahan ang vaccination program ng DOH vs polio, tigdas, at rubella

Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga magulang at mga lider sa lokal na pamahalaan na suportahan ang immunization activity ng pamahalaan.

Ang panawagan ay ginawa ng Chief Executive kaugnay ng nagpapatuloy na malawakang pagbabakuna kontra sa tigdas, rubella, at polio na pangungunahan ng Department of Health (DOH).

Binigyang-diin ng Pangulong Duterte na kung may dapat man tayong matutuhan sa nararanasan ngayong pandemya ay ang mapagtanto ang kahalagahan ng pagbabakuna.

Anomang banta aniya sa pagkalat ng communicable diseases gaya ng tigdas, polio, at iba pa ay kailangang agad na matugunan na kaya namang gawin sa pamamagitan ng vaccination.

Sinimulan ang nationwide vaccination program ng gobyerno nitong October 26 at magtatapos na sa November 26.

Target ng isinasagawang pagbabakuna ang mga batang nasa edad lima pababa.