Pangulong Duterte, nakiusap sa BARMM officials na tumulong upang matuldukan ang karahasan at terorismo sa rehiyon

Nakiusap si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na tulungan ang pamahalaan na tuldukan ang karahasan at terorismo sa rehiyon.

“The violence is very much present. Nakikiusap ako because you know government cannot wage a war against his own people. Hindi talaga pwede ‘yan. Kaya ako nagpunta dito just to remind you that whatever happens Mindanao would still be a part of the Philippines. That is the reality.” pahayag ni Pangulong Duterte.

Ginawa ng pangulo ang pahayag sa pagbisita sa Camp BGen Gonzalo Siongco sa Maguindanao ngayong araw (May 11).

Ayon sa Pangulo, hindi maaaring magpatuloy ang karahasang ginagawa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) lalo na sa mga sibilyan, at ang patuloy nitong pananambang sa pwersa ng militar.

Panawagan ng pangulo sa BARMM officials, hindi sana silang magbigyan ng sanktuaryo na maaaring pagtaguan ng mga teroristang ito.

“Please do not, I’m not giving a warning, I said I have no business giving warnings here. Please do not give them the sanctuary. Mag-provide ka dito ng isang lugar mag-istambay sila. Either do not wait that I will call you to Malacañan.” saad ni Pangulong Duterte.

Binigyang diin ng pangulo na ayaw niyang magdeklara ng giyera laban sa kapwa Pilipino, gayunpaman, kung magpapatuloy aniya ang karahasan, pagkitil sa mga sundalo at pulis, at pagkadamay ng mga inosente, mapipilitan aniya siyang magdeklara ng all out offense laban sa mga ito.

“So pagkaganoon kung hindi ko mapigilan and there will be an all-out offensive, iyan na ang problema. And if I give the order, I will no longer withdraw it.” ani Pangulong Duterte.

Ayon kay Pangulog Duterte, hindi siya nagbabanta. Nakikiusap aniya siya na makipagtulungan ang lahat, upang hindi na umabot pa sa sitwasyong ito.

“Hindi ako nagwa-warning, hindi ako nananakot. I have no business giving you an intimidating talk. Nagmamakaawa nga ako eh. Tulungan lang ninyo ako. At least sa panahon ko kung makausap, if there is still a chance for you to cross the line and talk to them and sabihin lang ninyo huwag na muna ngayon.” paglilinaw ng pangulo.

Sa pagbisita ng pangulo sa kampo, ininspeksyon rin nito ang mga armas na na-recover ng militar simula Enero hanggang Mayo, 2021.