Pangulong Duterte, naka-monitor din sa papalapit na paghagupit ng bagyong Rosita

Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya’y nakatutok din sa bagyong Rosita na nasa Philippine Area of Responsibility (PAR) na at inaasahang mararamdaman na bukas sa bandang Northern Luzon.

Sinabi ng Pangulo, na siya mismo ay magsasagawa ng round of calls upang masigurong nakahanda ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa pagresponde sa tuwing may ganitong kalamidad na dumarating sa bansa.

Kaugnay nito’y nagpauna na si Pangulong Duterte partikular sa Commission on Audit (COA), na huwag makialam sa kung paano gagamitin ang resources ng gobyerno sa gitna ng gagawin nitong pagtugon sa panahon ng kalamidad.

Inihayag ng Pangulo, na hindi siya makapapayag na dahil lamang sa circular ng COA hinggil sa paglalabas ng pondo sa panahon ng kalamidad, ay mababalam ang paghahatid ng tulong sa mga maaapektuhan ng paparating na bagyo.

Punto pa ng Pangulo, nais niyang matiyak na maibibigay ang tulong ng pantay-pantay, at hindi lang sa mga pili na karaniwanang mga pulitiko lang ang nagdedetermina kung sino ang mabibigyan. | ulat ni Alvin Baltazar