Pangulong Duterte, nais palitan ang pangalan ng Mactan Airport at gawing Lapu-Lapu Airport

Nais ipabago ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pangalan ng Mactan Airport sa Cebu at gawin itong Lapu-Lapu Airport.

Sa pagdiriwang ng National Heroes Day sa Libingan  ng mga Bayani, sinabi ng Pangulo na ito’y bilang pagkilala na din sa naging kabayanihan ni Lapu-Lapu na nakipaglaban sa aniya’y kauna-unahang invader o mananakop ng bansa na si Ferdinand Magellan.

Nakakalungkot ayon sa Presidente na hindi gaanong nabibigyang pagkilala si Lapu-Lapu maliban sa pagiging popular na menu na inihahain sa hapag-kainan.

Kaya’t ipinangako aniya niya sa kanyang sarili na sa sandaling maging Pangulo siya, ibibigay niya ang karapat-dapat na parangal kay Lapu-Lapu na kanya nang ginagawa sa tuwing nagbibigay siya ng Lapu-Lapu award sa mga natatanging Pilipino.

Ang pagpapangalan ng Lapu-Lapu sa paliparan ng Cebu ay idadaan ng Presidente sa pamamagitan ng pag-iisyu ng isang executive order.  | ulat ni Alvin Baltazar