Pangulong Duterte, naiinip sa aksyon ng Kongreso tungkol sa pederalismo

Binigyang-diin ngayon ng Palasyo ng Malacañang na hindi isinusuko ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pederalismo.

Paliwanag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, naiinip lang ang presidente sa galaw ng Kongreso tungkol sa pederalismo gayung wala aniyang nakikita ang chief executive sa hanay ng mga mambabatas na seryosong mga hakbang para ito’y maisakatuparan.

Inihayag ni Panelo na bagama’t nais ng pangulo na paspasan ang naturang usapin, hindi naman aniya uubra na gawin itong mag-isa ng presidente at kailangang kumilos dito ang Kongreso.

Kung hindi rin lang daw makaaasa ng mabilis na aksyon sa pederalismo mula sa mga mambabatas, baka naman daw maaaring unahin na lang ang pag-aamiyenda sa ilang economic provisions sa pangkalahatang pagbabago ng Saligang Batas.

Ilan dito ay ang pagkakaloob ng kaluwagan sa pagpasok ng mga foreign investments na nais mangyari ng presidente.   | ulat ni Alvin Baltazar