Pangulong Duterte, nagpadala ng tulong sa mga biktima ng lindol at tsunami sa Indonesia

Bago pa man tumulak patungong Indonesia ang Pangulong Rodrigo Duterte, lumipad na mula sa Villamor Airbase ngayong umaga ang isang Philippine Airforce C-130 na dala ang mga relief good para sa mga biktima ng lindol at tsunami sa naturang bansa.

Pinangunahan ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana ang send-off ceremony para sa una sa dalawang sortie ng Armed Forces of the Philippines (AFP) patungong Palu City, Indonesia kaninang alas-sais ng umaga.

Ayon kay Lorenzana, ang pagpapadala ng relief goods ng Pilipinas ay tugon ng Pangulong Duterte sa request for assistance ng Indonesian government.

Aniya, mas maaga sanang nakapagpadala ng tulong ang Pilipinas sa Indonesia kung hindi rin naging masyadong abala ang pamahalaan sa pagtugon sa sarili nating problema ng landslide sa Itogon at sa Cebu.

Sa ngayon ay limitado ang papel ng AFP sa paghahatid ng relief goods, at nakatakda ang pangalawang sortie ng C-130 patungong Indonesia sa October 15.

Naghihintay lang ang AFP kung may karagdagang request ang Indonesia para sa tulong sa rehabilitasyon ng mga nasalantang lugar.

Libo-libong tao ang namatay at nawawala sa Palu City, makalipas ang lindol at tsunami na tumama sa Sulawesi noong September 29. | ulat ni Leo Sarne

Photo courtesy: Eunice Samonte – PTV