Pangulong Duterte, nagbabalang ipasasalakay ang mga warehouse na imbakan ng mga iniipit na bigas

Nagbabala ngayon ang Palasyo na gagamitin ng estado ang buong puwersa nito upang habulin ang mga rice hoarder.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, isa ang isyu ng rice hoarding sa mga napag-usapan kagabi sa isinagawang Cabinet meeting.

Dagdag pa ni Roque, alam mismo ng Pangulo kung sinu-sino ang rice traders na iniipit ang paglabas ng kanilang mga produkto sa merkado. Pati ang lokasyon ng warehouses kung saan itinatago ang mga bigas ay tumbok na rin ng Chief Executive.

Babala ng Palasyo sa mga ganid na negosyante na nasa rice industry, ipasasalakay ng Presidente ang warehouse ng mga ito kung patuloy na magmamatigas at hindi ibabagsak sa merkado ang mga iniimbak na produkto.  | ulat ni Alvin Baltazar