Pangulong Duterte, nadismaya sa ‘di pagsama noon ng Hacienda Luisita sa Land Reform Program

Nagpahayag ng pagkadismaya si Pangulong Rodrigo Duterte sa hindi pagsasama noon ng mga Aquino sa Hacienda Luisita upang mapabilang sa mga lupaing sasailalim sa Land Reform Program ng pamahalaan.

Sa talumpati ng Pangulo sa ika-31 anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program ng Department of Agrarian Reform (DAR), sinabi ng Pangulo na wala siyang anumang sama ng loob sa pamilya Aquino.

Katunayan suportado pa niya noon ang dalawang Aquino na naging pinuno ng bansa.

Gayunpaman, hindi nagustuhan ng Pangulong Duterte ang ginawa nilang hindi pagsasali sa Hacienda Luisita sa ilalim ng Land Reform Program ng pamahalaan.

Sinabi ng Pangulo na maituturing ito bilang “greatest abberation” sa land reform program, lalo’t marami aniya ang mga indibidwal na nasawi at nagsakripisyo para sa mga lupa na dapat naman talaga ay para sa kanila.