Pangulong Duterte, muntik umanong mag-walk out bago ang kanyang SONA

Ayon kay Senate President Tito Sotto, nainis si Pangulong Duterte at hindi nagustuhan ang naging problema sa liderato ng Kamara noong Lunes.

Nagbanta umano ang Pangulong Duterte na magwu-walk out na lang siya kapag hindi inayos ng mga kongresista ang nilikha nilang eksena.

Magugunitang ilang minuto bago magtalumpati ang Pangulo sa joint session noong Lunes ay biglang iniluklok si dating Pangulong Gloria Arroyo bilang bagong House speaker kapalit ni Congressman Pantaleon Alvarez.

Ayon kay Sotto, kinuwestyon ng Pangulong Duterte kung bakit isinasabay pa sa kanyang SONA ang mga eksena sa pagpapatalsik kay Alvarez bilang pinuno ng Kamara.

Subalit mabilis naman daw sila ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas sa pagpapaalala sa Pangulo ng kanyang constitutional mandate na i-deliver ang kanyang SONA.

Dagdag ni Sotto, kung natuloy ang muntik na umanong pag-walk out ng Pangulong  Rodrigo Duterte bago ang kanyang State of the Nation Address o SONA noong Lunes ay susunod  na rin aniya ang mga senador. Kung hindi nila naawat ang Pangulo ay balak na rin niyang isunod ang pagbitaw ng Senate contingent mula sa joint session noong Lunes. | ulat ni Jojo Ismael