Pangulong Duterte, may hawak nang shortlist ng magiging susunod na Ombudsman

May listahan na si Pangulong Rodrigo Duterte ng mga indibidwal na posibleng maging successor ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales.

Sa paglalarawan ng Pangulo sa mga personalidad na kabilang sa shortlist, walang kuwestiyon sa integridad ng mga kandidatong posibleng maging susunod na Ombudsman.

Kahapon ay sumalang na sa interview ng Judicial and Bar Council ang mga nagsipag-aplay at mga nominado para sa mababakanteng puwesto ni Morales sa susunod na buwan.

Kabilang na dito si Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello lll na unang sumalang sa interview.

Samantala, inihayag ng Pangulo na sa sandaling mabakante na ang top post sa Ombudsman ay ilalabas nito ang listahan ng mga kasong naitengga sa ilalim ng pangangasiwa ni Morales.

Halatang-halata daw kasi na pawang mga kalaban ng nagdaang administrasyon ang karamihan sa mga kasong inaksiyunan. | ulat ni Alvin Baltazar