Pangulong Duterte, marami pang sisibakin sa pwesto dahil sa korapsyon – Malacañang

Marami pang nakatakdang sibakin sa pwesto ang Pangulong Rodrigo Duterte sa mga susunod na araw.

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque matapos ipahayag ng Pangulo ang galit nito sa sunud-sunod na paglabas ng isyu ng korapsyon na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng gobyerno.

Sa ngayon ay wala pang mga pangalan o ibang detalye na ibinigay si Roque ngunit pangako nito na gagawin niya ang mga pormal na anunsyo ng pagsisibak sa mga press briefing sa Malacañang Press Corps.

Ito na aniya ang magsisilbing anti-graft dissemination corps, kung saan babasahin ang mga pangalan ng mga tiwaling opisyal sa harap ng media upang agad itong maiulat at maipaalam sa publiko.

Kaya naman babala ng Palasyo sa mga corrupt government officials, itigil na ang kalokohang ginagawa sa gobyerno nang hindi na mai-broadcast pa ang kanilang pagkakakilanlan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion