Pangulong Duterte, makikipagpulong kay Russian PM Medvedev

Dalawang aktibidad ang nakalinya ngayong araw na dadaluhan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa ikalawang araw ng kanyang official visit sa Russia.

Base sa schedule ng Pangulo ngayong araw na ito, kapwa sa Moscow ang unang dalawang aktibidad ng Chief Executive kaugnay ng pagsisimula ng kanyang official visit.

Una ay ang bilateral meeting ng Pangulo kay Russian Prime Minister Dmitry Medvedev mamayang alas-kuwatro ng hapon, Russia time, at alas-nuebe naman ng gabi sa Pilipinas.

Susunod na aktibidad ni Pangulong Duterte ay ang pagharap sa executive officer ng Rosneft, Global Public Oil and Gas Corporation.

Ito ay sa katauhan ni Ginoong Igor Sechin na magko-courtesy call kay Pangulong Duterte.

Pagkatapos ng mga nabanggit na aktibidad ng Punong Ehekutibo, bibiyahe naman ito sa Sochi mula Moscow, para sa itinuturing na highlight ng official visit sa Russia, ang kanyang bilateral meeting kay Russian President Vladimir Putin.