Pangulong Duterte, kuntento sa itinatakbo ng Battle for Manila Bay — Palasyo

Naniniwala ang Malacañang na natutuwa ang Pangulong Rodrigo Duterte sa itinatakbo ng ginagawang rehabilitasyon sa kasalukuyan ng Manila Bay.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na bagama’t hindi pa sila nagkakausap ng Pangulo tungkol dito, kumbinsido aniya siyang kuntento ang Presidente sa development ng ginagawang paglilinis sa look ng Maynila.

Nakakamit naman aniya ang objective kasunod ng naging direktiba ng Chief Executive sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na linisin ang Manila Bay.

Sa harap nito’y sinabi ni Panelo na walang sinuman ang dapat na mabigyan ng partikular na recognition o pagkilala kundi ang lahat na nagtulong-tulong para maayos ang Manila Bay.

Anim na araw ang nakararaan nang ilunsad ang “Battle for Manila Bay” na ang target ay hindi lamang paigtingin ang clean up activities kundi i-relocate din ang illegal settlers.  | ulat ni Alvin Baltazar