Pangulong Duterte kay Atty. Sabio: Sabihin lang ang buong katotohanan, kaugnay ng sedition case vs. Trillanes

Sabihin lang ang buong katotohanan!

Ito ang nais na iparating na mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Atty. Jude Sabio, kasunod ng napaulat na kahandaan nitong magbigay ng testimonya kontra kay dating Senador Antonio Trillanes, patungkol sa sedition case nito.

Ayon sa Pangulo, hindi niya alam ang dahilan ng mistulang pagtalikod ni Sabio sa dati nitong kaalyadong ex-senator, na matatandaang nanguna pa sa pagsasampa ng reklamo sa International Criminal Court o ICC laban mismo sa Chief Executive.

Sabi ng Pangulong Duterte, magiging ispekulasyon lang ang ano mang bibitiwan niyang pahayag hinggil sa naging takbo ng mga pangyayari, lalo na’t hindi pa naman niya nakikita at nakakausap ang tumatayo ring tagapagtanggol ng self-confessed DDS na si Edgar Matobato.

Mensahe lang ng Pangulo, kung magbibigay man si Sabio ng kanyang testimonya, sabihin niya ang totoo, pabor man o hindi kay Trillanes na binabato ngayon ng alegasyong may kinalaman umano sa Bikoy video.

Kaugnay nito ay sinabi ng Punong Ehekutibo, na bukas siyang makipag- usap sa kaninuman kahit kay Sabio, dahil wala naman aniya siyang pinipili at kahit mga rebelde ay kanyang haharapin para sa pakikipag-usap.